22 April 2006
'Yung totoo
Totoo?
May ilang milyong beses nang naitanong sa akin 'yan pagkatapos ko'ng magkuwento ng kung anuman. At may ilang milyong beses na rin akong naiirita.
Mukha ba akong sinungaling?!?
Hindi naman ako taga-showbiz. Hindi naman ako politico. At mas lalong hindi ako ang kapitbahay niyong nangangaliwa sa asawa.
Kungsabagay, sino nga naman ba sa atin ang tinigilan ang pagsisinungaling pagtungtong ng 20 anyos? Mangarap pa ako.
'Yun lang, kung iisipin mo, sa panahon ngayon lalo na rito sa third world, may punto pa ba kung magsisinungaling? Hindi ba mas nakakapagod lang 'yon?
O siguro nga naiinis lang ako kapag ang reaksyon ng kausap ko ay, "Talaga?" "Totoo?" "'Di nga?". Hindot. Bakit, nagsinungaling ka ba sa akin dati at kinakabahan ka ngayon na baka niloloko rin kita?
Nauso pa noon ang slogan na, "Magpakatotoo ka!" Pero ngayon, parang default na ng karamihan na "magduda" sa mga sinasabi ng mga kausap nila. Meron naman, baligtad: kapag may tanong, itatanong niya sa naunang nagtanong (punyetang mga tanong 'yan) kung ang gusto niyang sagot ay ang totoo. Na isa pang nakakairita minsan. Por ejemplo:
AKO: Ano'ng nararamdaman mo ngayon?IKAW: 'Yung totoo?AKO: Nako hinde. 'Yung malayo sa nararamdaman mo. Bobo.
Siyempre never ko pa actually ginawa 'yan. Nang harapan.
Kung gagawa ka lang ng kuwento, manloloko, huwag ka na lang magsalita.
Kung kaibigan mo ang kausap mo, malamang totoo lahat ng sinasabi niyan. Mahiya ka naman; hindi lahat ng tao ay kayang mag-open ng sarili. Huwag kang OA. Iba ang gulat sa balita sa duda sa tsismis.
Kung ikaw ang tinatanong, kung kaya mo naman ay huwag ka na magpa-sweet at sabihing, "'Yung totoo?" Isipin mo na lang maigi kung ano ang isasagot mo at paano ka sasagot, lalo na kung wala kang tiwala sa kausap mo. Ayos lang iyon, sigurado namang pareho kayong nagpaplastikan. Huwag nga lang matagal ang pag-iisip, para hindi halata na wala kang tiwala sa kanya.
Amen.
0 said something:
Post a Comment